Chapter 1: Tangina.

D.J. Manjares
6 min readJul 9, 2024

--

Tanginang buhay ‘to.

Tangina.

Inaantok pero hindi makatulog: kahit apat na oras na lang ang tulog ko sa isang araw, hindi pa rin makuhang manahimik ng mga boses sa isipan ko. “Ah,” sabi ko sa sarili ko. Saksakan ko nga ang tenga ko ng soundtrip, baka malunod sa musika. Binuksan ang Spotify na hacked na walang ads. Pumili ng kantang papatugtugin. Mga kanta kaya ni Enya? Sige.

Bigla kong naalala, sunud-sunod na gabi na akong pinapatugtog ang musika niya, pero lalo lang akong naaasar: tila ba sumasabay sa melody at tono ang mga boses sa isipan ko — para bang ginagagago pa ako ng sobra.

Ang hirap talaga kapag wala kang inaasahang trabaho paggising mo sa umaga — tipong babangon, mag-almusal, maliligo, gagayak, sabay diretso sa trabaho. Pero simula nung matanggal ang buong production team na kinabibilangan ko sa trabaho namin kasi hindi na yata kami kayang bayaran, at napalitan na rin kami ng mga mas batang willing magpa-exploit at magtrabaho ng patayan sa katiting na halaga, e ganito na ang routine ko ngayon: gigising, mamomroblema sa pera, titingin sa chats, magbabasa ng emails, kaunting huntahan sa Messenger, titingin sa Indeed kung may nagbasa man lang ba ng resume at tumingin sa portfolio ko.

Ni wala man lang akong makausap tungkol sa mga bagay na sa tingin ko, makakapagbigay ng motibasyon sa akin. Nandiyan naman ang iilan pero malalapit kong kaibigan, pero sila ay may kaniya-kaniya rin namang problema at ganap sa buhay kaya sinusubukan kong hindi mag-open patungkol doon para hindi naman dumagdag pa sa pasanin nila sa buhay.

Ang hirap talaga kapag nauna kang magtrabaho kaysa mag-aral. Magtatrabaho para masuportahan ang pamilya. Sabi ng pamilya, mag-kolehiyo ako. Pero ang kolehiyo, kailangan ng oras at higit sa lahat… pera. May pera, pero kailangang mapunta sa bayarin at kailangang gastusin. Ni wala ka nang oras para sa sarili mo. Subsob sa trabaho, mahal ng bilihin, hindi ka pa nakapagtapos kaya doble pasakit sa paghahanap ng bagong mapapasukan.

Sa mga trabahong hindi kailangan ng diploma, hahanapan ka. Sa mga trabahong kailangan ng diploma naman, lagi kang mauungusan kasi nga wala ka nga noon at wala ring saysay mag-apply dahil alam mong si Robert na kakilala ng CEO na pinag-aaplayan mo ang siyang matatanggap. May experience nga ako, hindi ko naman halos magamit, kasi isang knockout punch lang (diploma), durog agad ako.

Pero siyempre, gusto ko rin namang mag-aral, sino bang hindi bukod sa mga hustlaz diyan sa streetz kagaya nina Bugoy ni Koykoy at kung sinong aspiring rapper diyan sa katabing baranggay. Pero, paano mo gagawin ‘yon kung nasa sayo ang bola? Siyempre may mga milagro naman na kuwento diyan na kung saan, kinaya nila magtrabaho at mag-aral. Pero mukhang hindi ko yata kakayanin ‘yun, bukod kasi sa hapuin na ako (dahil sa sakit ko), babalik tayo sa naunang punto: pera.

Nung nakaraang trabaho ko, halos ‘di ako nakauwi ng dalawa’t kalahating buwan. Uhaw ako sa emosyonal na koneksyon e. Kala mo nasa kulungan ka, walang pakialamanan, ganoon na talaga, kasi magkakatrabaho kayo, at bibihira ang sincere na emotional connection, nandoon lahat kami para kumita. Aaminin ko, sobrang lakas ng epekto sa akin noon. Nariyan ‘yung iiyak ka na lang bigla kasi nilalamig ka at sarili mo lang ang kaya mong yakapin. Kasama rin ‘yung walang masyadong nangungumusta sa ‘yo sa personal na lebel. Kakainin ka talaga ng trabaho mo.

Pag-uwi ko, nandiyan ‘yung kapatid ko sa nanay. Ayos naman siya pero minsan kasi sumusobra na rin. Minsan napapasobra sa yakap ako, sobrang daldal, oversharing, kasi nga, na-miss ko ang actual human interactions. Pero kahapon lang, hindi ko maintindihan, napikon yata. Gusto yata babad sa laptop ko siya lagi para maglaro nang maglaro, na sa tingin ko ay mali. Ang problema kasi sa kaniya, alaskador din siya pero hindi mo malalaman na pikon na pala hangga’t malalaman mo na lang na matutulog ka sa sala kasi ni-lock ang kuwarto at nasa kaniya ang higaan.

Parang ayoko na tuloy manatili dito sa bahay. Nandito naman si Mama, na inaalagaan naman ako, pero nalulungkot ako dahil hindi ko maibigay ‘yung kailangan niyang medikal para sa sciatica niya — minsan umiinda na siya sa akin pero wala akong magawa ngayon dahil nga wala rin akong pera.

Parang ayoko nang manatili sa bahay. Hindi na yata tama na parang ginagamit na lang ako ng kapatid ko sa pansarili niyang bagay. Kasi madali akong kausap. Masaya siya kapag napapakinabangan niya ako. Mukhang ako pa ang submissive sa pagiging kapatid ko (always has been, kahit pa man sa ate ko). Hindi ko alam ang gagawin. Isang parte ng utak ko ang nagsasabi na “putangina niyang bitch ass na ‘yan, ungrateful ang putangina, silent treatment — sige tiisan tayo, tangina mo”. Habang may isang parte din ng utak ko na nagsasabi na kasalanan ko ‘tong lahat at sana hindi na lang umuwi kung ganitong parang baldado ako dahil mag-iisang buwan na pero wala pa rin akong trabaho.

Ginupit ko ang buhok ko kagabi, hindi ko alam kung bakit, basta ginawa ko na lang. Hindi naman ako magaling at hindi rin ako barbero, basta umikli lang at mabawasan, ayos na sa akin ‘yun. Iniisip ko kapag nagkatrabaho ako, dapat medyo maikli na at presentable ang buhok ko.

Marami-rami rin akong napasahan ng application, kaliwa’t kanan sa mga job sites, kaniya-kaniyang cover letter na customized, fine tuning sa bawat needs ng employer para mas mataas ang tsansa. Marami ring interbyu na nagdaan pero ang laging deal breaker, ‘yung educational attainment ko talaga. Kahit ano pang galing at kapal ng experience mo, kapag hindi ka nakapagtapos sa Pilipinas at Pilipino ka — PUTANGINA MO.

May ilan-ilan rin akong naka-schedule na interbyu ngayong Linggo. May isang tumawag sa akin nung Lunes, akala ko tanggap na ako, hindi pa pala, may kakompitensiya pa ako. Story pitching — basically gagawa ng logline. Hango sa istoriya or inspired sa mga common inspirational drama videos na naglipana sa YouTube. Wala pa namang NDA, so pakialam ko kung mabasa nila ‘to. Pinasa ko rin pala ‘tong personal blog ko as dagdag credentials, then magugulat sila na sila pala ‘yung nasa blind item.

Ang siste, ang baba ng bulong na rates sa akin. Hindi ko alam kung itutuloy ko ba o gagandahan ko o gaganahan akong gawin. Parang walang tiwala sa akin. Pero totoo naman kasi, wala pa akong napatunayan sa mata nila, kaya ganito. Hindi ko lang alam kung magkano ang sisingilin ko: tatlong-libo ba, dalawang-libo, isanlibo, limandaan o piso. Iisipin ba nila na worth akong tanggapin dahil naningil lang ako ng piso pero ang gawa ko e higit pa doon? O baka ma-lebelan lang ako na pretentious at passive-aggressive?

Sana matanggap na ako ngayong Linggo. Hindi ko na alam ang gagawin ko, magsisinungaling na ba ako para mas tumaas ang tsansa kong matanggap o mangarap na may lugar o sitwasyon na bigla na lang akong naglaho at babalik ako sa planetang ‘to kapag ayos na ang lahat?

Bakit ba kailangan niyong bigyan ako ng simpatiya? Maraming pulubi sa kalsada. Mga batang inabandona ng mga magulang. Giyera sa mundo. Patayan. Kagutuman. BINI Aiah umiiyak dahil sobrang sikat at wala nang personal time. Maraming problemang mas mahalaga kaysa sa kung anong sinabi ko dito. Hindi naman ako importante. Isang hamak na frustrated artist lamang ako na bahagyang sinuwerte at ngayon, nawala na ang suwerte.

Susubukang matulog ulit sa kahoy na upuan, tangina sana may foam pero dahil nag-iinarte nga ang kapatid, hindi ako makaporma. Tiisan na lang, kung may isang bagay na magaling ako, sa pagtitiis ‘yun.

Nakakabilib na ang salitang ‘tangina’ ay talagang unibersal. Kapag masaya ako, sinasabi ko ‘to. Kapag malungkot, galit, at may poot — sinasabi ko rin ‘to. Kapag nalilibugan, umiibig, nababalisa, natataranta, tinatamad — tangina. Sa mga susunod na chapters, i-explore natin ang iba’t ibang aplikasyon ng salitang ito.

--

--