MAHALAGA ANG BOTO MO

D.J. Manjares
4 min readSep 21, 2021

Ang aksyon mo ngayon ay maaring magbunga bukas.

Mahalaga ang boto mo.

Mahirap nga naman kumilatis ng kandidatong iboboto kasi napakarami rin nila at hindi natin alam kung saan magsisimula. Marami rin ang mga tanong na nakakulong lang sa utak natin. Paano kung ‘yung manok mo e gago pala sa huli? Case in point: Duterte. Ang bango-bango ng pangalan niya isang buwan bago mag-eleksyon. Pero ilang buwan lang rin ang lumipas, lumabas na ang baho ng trapo. Nagsisi tayo sa ating ibinoto.

Mangyaring isipin ang scenario na ito: isa kang karaniwang Pinoy na gusto lang makaraos sa pang araw-araw. Gigising, babiyahe, papasok, uuwi, magpapahinga. Paulit-ulit lang tuwing umaga hanggang sa matapos ang limang buwang kontrata (lima lang kasi ayaw ng mga kumpaniya na sagutin ang insurance at iba pang benepisyo kapag naka-anim ka). Ikaw ba, nanaisin mo pa bang dikdikin ang utak mo sa kung sinong iboboto mo sa eleksyon? Aminin mo, 'di ba't mas pipiliin mong matulog na lang? Pero isipin natin, malaya tayo na gawin kung ano mang gustuhin natin sa buhay. Bumoto o hindi, walang huhusga sa iyo...dati.

Ngayon, iba na ang klima. Masyadong pagod na ang bawat Pilipino sa paulit-ulit na pandudusta ng mga korap na pulitiko na iyan. Ang kahinaan at disorganisadong pag-iisip nating mga Pinoy ay isa sa mga dahilan kung kaya't hanggang ngayon ay wala pa rin tayong nararamdaman na pagbabago. Pulos mayayaman lang madalas ang nakadarama ng ginhawa. Pinaglalaruan lang tayo nila sa pa-isaisanlibong suhol kapalit ng boto natin, nililinlang tayo sa isang sulok at sasabihing ‘pera o dignidad’. Madalas sa atin, pipiliin ang pera. Katulad ng MLM companies, mga mahihirap na sektor ang madalas mahikayat sa iba't ibang klaseng exploitation.

Siguro't likas na talaga sa akin ang pagsasaliksik. Naalala ko na nagtrabaho ako noon bilang street sweeper, courtesy raw nung isang mayaman na pulitikong tatakbong mayor, pero ang totoo, inangkin niya lang iyong proyekto. Kasama ang isang grupo ng mga iba't ibang klaseng tao, nagwalis-walis kami sa buong siyudad, araw-araw. Lahat ng miyembro doon ay mga botante, liban sa akin. Disi-siyete lang ako noon, dala ng kakulangan ng pera, naisipan kong sumali sa programa na iyon. Pero hindi pa ako puwedeng bumoto noon. Nagbayad lang ako ng sedula, buo ang loob dahil praktisado na ang dapat kong isagot—mula sa facial expression, tono ng boses, paglalagay ng nuanced na salita upang magmukhang ‘natural’ sa pandinig, at mga puwedeng ibalik sa bawat scenario na puwede kong sabihin, at iba pang kalokohan na pinagiisip ko.

Matagumpay naman, nakapagparehistro bilang street sweeper ako, kahit na may mga nakakilala sa akin na kumuwestiyon sa edad ko. Kung nabahahala, umaktong agresibo nang kaunti upang hindi lalong lumalim ang paguusap ninyo. Kung kalmado ka lang at mistulang walang pakialam, maitatanim sa isip ng sumusubok sa ‘yo na mas superior siya sa iyo, at madidikdik ka lang hanggang sa maubusan ka nang maisasagot.

Tumahimik at napaniwala naman sila, pero may isang tanong sa utak ko noon: sino ang pulitikang iyon? Kung ang Free Basics ay isang pilahan ng NFA rice, ako na siguro ang pinakaumabuso sa pagpila doon. Day in, day night, gamit ang cellphone kong makupad, nagtiyaga ako sa Free Basics para mahanap ang mga kasagutan. Kaya doon sa unang film review page ko, lahat ng poster e malabo kasi cropped lang from Free Basics iyon. Again, salat rin kami sa pagkain noon, walang tubig at ilaw madalas dahil blacklisted ang lugar namin, buti na lang at iyong mga Muslim sa amin, tinutulungan kami sa compound na makagawa ng jumper connection.

Dahil doon sa seminar at trabaho na iyon, naunawaan ko ang kapangyarihan ng pagboto. Kaya nung nakapagparehistro ako, nagsaliksik ako at kinilatis ang bawat kandidato. Nakakaasar lang kasi ni isa walang nanalo sa kanila. Pero kung iisipin lang natin na mahalaga ang ating boto, may posibilidad pa na makamit natin ang maayos na gobyerno sa Pilipinas. At sa ngayon, na marami na sa atin ay mayroon nang Facebook, mas dumarami na rin ang mga taong nagbibigay ng maayos na impormasyon at madaling intindihin na graphs na nagsasaad ng plataporma ng bawat kandidato. Ako, gusto ko rin namang mag-relax na lang pagtapos ng isang mahabang araw. Pero kung hindi natin aayusin o kikilatisin man lang ang gusto nating iboto, baka kahit idlip o pag-upo ay hindi na natin magawa. Turuan natin ang ating mga kababayan na maunawaan ito, huwag natin i-antagonize kaagad. Marami na rin akong mga kakilala na naliwanagan sa usaping pulitika. May bata, matanda, kamag-anak, relihiyoso man o hindi. Ang susi ay pang-unawa. Kung gayon, wala pa ring pagbabago at patuloy ka lang na itinutulak, doon mo lang ilalabas ang frustrations mo. Huwag mangunguna, huwag manindak.

--

--

D.J. Manjares

Personal essays, fiction, and occasional shitposts.